--Ads--

CAUAYAN CITY – Inabot ng mahigit isang oras bago  natanggal mula sa pagkakaipit ang pahinante ng isang closed van na bumangga kaninang umaga sa isang bus sa  Paddad Alicia,  Isabela.

Ang naipit na pahinante ay si Michael Saulog, residente ng Balagtas, Bulacan habang ang tsuper ng closed van ay si Agapito Bayonas, 32 anyos, residente ng Malanday, Valenzuela City.

Ang tsuper ng bus ay si Richard Binsoy, 42 anyos, residente ng Lemu, Enrile, Cagayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, parehong binabagtas ng bus at closed van ang national highway patungong Tuguegarao City ngunit naidlip umano ang tsuper at nang maalimpungatan ay ang silinyador ang naapakan sa halip na preno kaya bumangga  sa likod ng bus.

--Ads--

Dahil sa lakas ng pagkabangga ay naipit ang pahinante na si Saulog at inabot ng ilang oras bago nailabas sa closed van si Saulog sa pagtutulungan ng Rescue 922 at rescue team  ng  Alicia, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Agapito Bayonas, driver ng closed van, sinabi niya na patungo sila sa Tuguegarao City upang magdeliver  ng mga spaghetti at gatas.

Aniya, hindi niya namalayan na silinyador  ang natapakan niya sa halip na preno at dahil malapit na ang bus ay tulungan na siyang bumangga.

Dinala sa ospital  ang pahinante para malapatan ng lunas.

Ang tinig ni Agapito Bayonas