Nagsampa na ng kaso ang pamilya ng batang nasawi matapos masagasaan ng isang dump truck sa Barangay San Felipe, Ilagan City noong Pebrero 3, 2026, bilang hakbang upang makamit ang hustisya para sa biktima.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Captain Edwin Bayubay, kinumpirma niyang isinampa na sa hanay ng pulisya ang kaso laban sa drayber ng dump truck at patuloy ang pakikipagtulungan ng pamilya at ng barangay sa isinasagawang imbestigasyon.
Ayon pa kay Ginoong Bayubay, nagbigay na rin ng tulong pinansiyal ang Pamahalaang Lungsod ng Ilagan, kabilang na ang pagsagot sa lahat ng gastusin para sa burol ng bata.
Paliwanag ng punong barangay, matagal nang itinuturing na accident-prone area ang lugar na pinangyarihan ng insidente, subalit sa kabila nito ay patuloy pa rin umanong mabilis ang takbo ng mga dump truck na dumaraan sa naturang bahagi ng Barangay San Felipe.
Dagdag niya, paiba-iba umano ang mga pahayag ng drayber hinggil sa sanhi ng aksidente. Isa na rito ang hindi nito pagkakita sa tricycle na nadamay sa insidente.
Mas lalo pang ikinabahala ng barangay ang pahayag na naka-live stream umano ang drayber habang nagmamaneho nang mangyari ang aksidente.
Bilang tugon, nanawagan si Bayubay sa mga magulang na mas bantayan ang kanilang mga anak, lalo na ang mga nag-aaral sa mga paaralang malapit sa national highway. Plano rin ng barangay na paigtingin ang pagbabantay sa lugar upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Nanawagan din siya sa mga drayber at motorista na maghinay-hinay sa pagpapatakbo ng sasakyan, lalo na sa mga lugar na may school zone, upang matiyak ang kaligtasan ng mga bata at iba pang motorista.
Matatandaan na agad na nasawi ang sampung taong gulang na batang papasok sana sa eskwelahan matapos na mabangga ng rumaragasang dump truck ang kanilang tricycle.
dahil sa lakas ng pagkakabangga humiwalay ang sidecar ng tricycle, nahulog ang bata at nagulungan pa ng dump truck na naging sanhi ng agaran nitong pagkasawi.
Sa ngayon nakaburol ang paslit sa kanilang bahay habang nagpapagaling parin sa pagamutan ang kaniyang ama.










