CAUAYAN CITY – Patay ang tsuper ng isang motorsiklo na sumalpok sa kasalubong na Dalin Liner habang binabagtas ang national highway sa Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya.
Ang nasawi na tsuper ng Rusi motorcycle ay si Orlan Unggusian, 21 anyos at residente ng Sinapaoan, Sta. Fe, Nueva Vizcaya.
Ang tsuper ng nasalpok na bus ay si Edison Luna na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpt Florentino Mawirat, hepe ng Aritao Police Station na mabilis ang takbo ng motorsiklo at nilampasan ang sinusundang van ngunit sumalpok sa kasalubong na bus na papuntang Baguio City.
Pumailalim ang motorsiklo sa bus kaya agad na namatay ang tsuper.
Sinabi ni PCapt Mawirat na depende sa pag-uusap ng driver at kamag-anak ng biktima kung magkakaroon ng aregluhan sa nangyaring aksidente.










