--Ads--

Patuloy ang imbestigasyon ng Hongkong police sa nangyaring aksidente na ikinasawi ng isang Pilipinong turista.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Marie Velarde, sinabi niya na papauwi na sana ang biktima at nakalabas na sa kaniyang hotel ng maaksidente.

Habang abala sa paggamit ng cellphone ay biglang sumulpot ang taxi at sumiretso sa biktima bago sumalpok sa pader ng Nina Hotel.

Sa ngayon naka detain na ang taxi driver na sangkot sa aksidente.

--Ads--

Matatandaan na Dead on the Spot ang 35-anyos na turista matapos siyang salpokin ng taxi habang papalabas sa Nina Hotel Tsuen Wan West, Hong Kong.

Nawalan ng kontrol ang isang taxi at bumangga sa isang 35-anyos na lalaking Pilipinong turista bago tumama sa pader ng hotel.

Nawalan ng malay ang biktima at idineklarang patay pagdating sa ospital. Ang tsuper ng taxi, tinatayang nasa edad 70, ay nagtamo rin ng sugat at nilapatan din ng lunas.

Batay sa mga otoridad nakaranas ng pagkahilo at pananakit ng dibdib ang driver ng taxi ng maganap ang aksidente.

Nahuli sa dashcam ang insidente na mabilis kumalat sa social media makikita na habang palabas ng hotel, may bitbit na maleta at tila abala sa kanyang cellphone ang biktima.

Sa hindi inaasahang pangyayari, biglang bumilis ang takbo ng taxi at malakas na bumangga sa biktima, naipit ito sa pagitan ng sasakyan at pader ng hotel.

Makikita sa video ang biktima na bumagsak sa lupa at pilit bumangon, ngunit hindi na kinaya. Agad namang rumesponde ang mga staff ng hotel matapos marinig ang malakas na kalabog.

Dahil sa impact ay nawasak ang harapan ng taxi. Agad na kinordon ng pulisya ang lugar at nagsimula ng imbestigasyon sa sanhi ng aksidente. Ayon sa ulat, ang biktima ay nasa Hong Kong kasama ang mga kaibigan para sa bakasyon at nakatakdang umalis sa araw ng insidente.