
CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng drone spraying sa mga apektado ng brown planthopper sa lambak ng Cagayan ang Regional Crop Pest Management Center ng DA Region 2 katuwang ang isang pribadong kumpanya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Senior Science Research Specialist Minda Flor Aquino ng Regional Crop Pest Management Center ng DA Region 2 na nagkaroon sila ng drone spraying demonstration dahil sa malawakang infectation ng brown planthopper sa rehiyon.
Nakipag-ugnayan ang may-ari ng drone sa kanila at nagsagawa ng demonstration sa paggamit ng drone spraying sa apektado ng brown planthopper sa Ubong, Solana, Cagayan.

Layunin aniya nitong ipakita ang kakayahan ng drone kapag may outbreak na kayang sprayan ang isang ektarya sa loob ng sampong minuto.
Aniya, ito ang kauna-unahang pagkakataon na gumamit ang rehiyon ng drone para mag-spray.
Dahil dito, titingin ulit sila ng lugar na apektado ng brown planthopper at hihilingin nilang magkaroon ng drone spraying demonstration.
Batay naman aniya sa may-ari ng drone ay handa silang tumanggap at nasa walong daan limampong piso ang bawat ektarya.
Sa kabila naman nito ay magkakaroon pa rin ang DA ng trial at titignan nila ang pagkakaiba ng manual at drone spraying.
Ayon kay Aquino, nais nilang magkaroon ang rehiyon ng drone para kapag may infectation sa mga pananim ay may magagamit.
Sa ngayon ay aabot na sa 1,250 na ektarya ang apektado ng brown planthopper sa rehiyon at pinakamarami ang lalawigan Cagayan.










