--Ads--

Napatay sa isang military operation ang Mexican drug lord na si Nemesio Oseguera, na mas kilala bilang “El Mencho,” ayon sa mga opisyal ng Mexico nitong Linggo.

Nangyari ito habang kasagsagan ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga kartel kasunod ng mga banta ng interbensyon mula sa Estados Unidos.

Ayon sa defense ministry ng Mexico, nagkaroon ng engkuwentro sa Jalisco kung saan malubhang nasugatan si Oseguera. Binawian siya ng buhay habang inililipat sakay ng eroplano patungong Mexico City. Dagdag ng ahensya, nagbigay rin ng karagdagang impormasyon ang mga awtoridad ng US na nakatulong sa operasyon.

Nagbunsod ang raid ng panibagong bugso ng karahasan, kabilang ang pagsusunog ng mga sasakyan at pagharang ng mga armadong grupo sa mga pangunahing kalsada sa mahigit anim na estado.

--Ads--

Dating pulis si Oseguera at kinikilalang lider ng makapangyarihang Jalisco New Generation Cartel (CJNG), isang sindikatong ipinangalan sa estado ng Jalisco, kung saan matatagpuan ang isa sa pinakamalalaking lungsod ng Mexico na Guadalajara.