--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasamsaman ng droga ang isang magsasaka na drug surrenderer sa isinagawang checkpoint sa San Vicente Jones, Isabela.

Ang nadakip ay si Edison Mamauag, 33 anyos, residente ng San Vicente, Jones.

Sa impormasyong nakuhan ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office, nagsagawa ng anti-criminality checkpoint ang Jones Police Station pangunahing ang pagpapatupad sa ‘no plate no travel policy’.

Hinabol ng mga pulis si Mamauag matapos hindi siya tumigil sa checkpoint nang siya ay parahin dahil walang plaka ang kanyang motorsiklo.

--Ads--

Nang mahabol si Mamauag ay hinanapan siya ng dokumento at lisensiya sa pagmamaneho.

Nang kunin ang mga dokumento sa kanyang pitaka ay nalaglag umano ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang illegal na droga.

Dinala siya sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at disposisyon at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive dangerous drugs act of 2002).