CAUAYAN CITY- Kulungan ang bagsak ng isang 44-anyos na lalaki na kasalukuyang nasa probationary period matapos mahuli sa isinagawang drug buy-bust operation ng Cauayan Police Station katuwang ang PDEA sa Brgy. San Fermin.
Kinilala ang suspek sa alyas Lito, residente ng Brgy. 1, San Mateo, Isabela. Walang trabaho at may asawa.
Nakuha mula sa suspek ang isang plastic sachet ng hinihinalang iligal na droga na may market value na ₱1,300, kasama ang pera, lighter, cellphone, at susi.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, mariing itinanggi ni alyas Lito ang pagkakasangkot sa droga. Aniya, nasa probation period siya at regular na nagrereport sa Parole and Probation Office.
Kwento ng Suspek Tinawagan umano siya ng isang kakilala na humihingi ng tulong.
Nang puntahan ito, bigla na lang siyang hinuli at kinapkapan. Giit niya, wala siyang dalang droga at ang sachet ay “itinanim” lamang.
Ito na ang ikalawang beses na nasangkot si alyas Lito sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.











