CAUAYAN CITY – Iginiit ng pamilya ng isang lalaki na walang bentahan ng illega na droga kundi basta na lang dumating kagabi ang mga pulis sa kanilang bahay sa Zone 5, Minante 1, Cauayan City.
Ang dinakip ay si Erwin Pandi, 30 anyos at residente ng nabanggit na barangay.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Cauayan City Police Station sa pangunguna ni PCapt Val Simangan, Chief Intelligence at Investigation Section, Provincal Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa pangunguna ni PLt Col Eugenio Mallillin at sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) region 2.
Nakumpiska umano sa operasyon tatlong zip lock transparent plastic sachet na naglalaman ng mga pinatuyong dahon ng Marijuana na may fruiting tops na tinatayang 600 grams na may DDB value na 72,000; 17 na piraso ng 500 pesos ng boodle money, 1,000 pesos na drug buy-bust money at isang itim na bakcpack.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Irene, kinakasama ni Erwin, mariin niyang itinanggi na sa kanyang asawa ang mga nakumpiskang droga.
Itinanggi rin niya na sangkot ang kanyang asawa sa bentahan ng iligal na droga sa Lunsod ng Cauayan.
Aniya, nagkukuwentuhan sila ng kanyang asawa sa kanilang tindahan nang pumasok ang dalawang lalaki na nakasibilyan at may mga hawak na baril.
Tinutukan ng baril ang kanyang asawa kasabay ng pananakot na isasama siya sa naturang operasyon kung hindi siya lalabas.
Tiwala ang ginang walang droga sa loob ng kanilang bahay kayat hamon niya sa mga awtoridad na isailalim siya sa drug test at kanyang asawa.
Inamin Ginang na sa pagtalpak sa online sabong ang pinagkakakitaan ng asawa at hindi sa bentahan ng illegal na droga.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Edna Pandi, nanay ni Erwin, sinabi niya na dalawang lalaki na sakay ng kotse ang unang pumasok sa kanilang bahay.
Saka lamang dumating ang mga opisyal ng barangay at kagawad ng media na maging witness sa operasyon nang tapos na ito.
Aniya, pilit silang pinalabas at naiwan ang anak at kanyang asawa.
Inamin ni Gng. Pandi na drug surrenderee ang anak noong 2018 ngunit iginiit niyang nagbago na.
Ang hinala niya ay nadadawit sa illegal na droga ang anak dahil sa kaibigan niyang Chinese na nagpapaalaga sa kanya ng mga manok.
Tiwala ang ginang na hindi sa anak ang mga nasamsam na illegal na droga sa kanilang bahay.
Samantala, itinanggi ng PDEA ang paratang na planted ang mga ebidensiya at iginiit na dokumentado ang isinagawang drug operation.
Sinasabing si Erwin Pandi ay nasa talaan ng mga High Value Target ng PNP at PDEA.





