--Ads--

Isang drug trafficker sa Peru ang hindi makapaniwala nang siya’y arestuhin ng isang pulis na nakasuot ng capybara costume sa isang raid noong Valentine’s Day.

Sa isinagawang ope­rasyon ng Escuadron Verde, isang special anti-drug unit ng Peru, inaresto ang suspek matapos makumpiska dito ang mahigit 1,700 pakete ng cocaine at marijuana.

Ang nasabing special unit ay kilala sa kanilang kakaibang estilo ng pag­salakay gamit ang mga costume tuwing espesyal na okasyon tulad ng Valentine’s Day, Hallo­ween, at Pasko.

Sa kuha ng video, makikitang pwer­sa­hang pinasok ng “capybara cop” ang isang bahay sa Lima, Peru at agad na sinunggaban ang target, at pinosasan ito bago tuluyang dinala sa presinto.

--Ads--

Matapos ang raid, ipinakita sa mga larawan ang nasamsam na droga na nakalatag sa isang mesa habang nakatayo ang pulis na nakabihis capybara sa tabi ng suspek.

Ayon kay Col. Pedro Rojas, pinuno ng Escuadron Verde, napili nilang mag-camouflage bilang capybara para sa operasyong ito bilang bahagi ng kanilang kakaibang estratehiya.

Hindi ito ang unang pagkakataon na gumamit ng disguise ang nasabing unit. Sa kanilang mga nakaraang raid, nagsuot sila ng costume ng Spider-Man, Captain America, Thor, Black Widow, Deadpool, at Wolverine.

Sa kabila ng aliw na dala ng kanilang operasyon, seryoso ang problema ng ilegal na droga sa Peru.

Batay sa datos ng United Nations, isa ang Peru sa nangungunang producer ng coca leaf at cocaine sa mundo, at patuloy ang paglago ng taniman ng coca leaf na pangunahing ginagamit sa paggawa ng iligal na droga.