CAUAYAN CITY – Nakahanda ang pamunuan ng DSWD Field Office 2 na magbigay ng tulong sakaling kailanganin ng mga LGUs na maapektuhan ng Bagyong Henry pangunahin na sa bahagi ng Batanes at Babuyan Islands.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Michael Gaspar, tagapagsalita ng DSWD FO2 sinabi niya na nasa 29,075 ang kabuuang bilang ng kanilang stockpile ng family foodpacks.
Aabot naman sa 5,010 na non food items ang nakaimbak ngayon sa kanilang mga warehouses.
Nasa 22,561 namang family food packs at 2,975 non food items ang nakapreposition na sa mga LGUs.
Bukod dito ay mayroon ding nakastandby na pondo ang DSWD Field Office 2 na aabot sa 10,374,875 pesos.
Aniya naging maayos ang kanilang preparasyon ngayon sa mga kalamidad kaya tiniyak niya na mabilis ang kanilang pagresponde kung kinakailangan.
Una nang pinadalhan ng ahensya ng mga family food packs at non food items ang mga malalayong lugar tulad ng mga island municipalities sa Batanes, Calayan at Babuyan Islands.
Nakapagpadala na ang ahensya ng limang libong family food packs sa Batanes na ipinakalat na rin ng LGUs sa ibat ibang isla.
Batay ito sa naging utos ni Kalihim Erwin Tulfo sa kanyang pag upo sa pwesto na padalhan na ng mga family food packs at non food items ang mga mahirap puntahang lugar upang hindi mahirapan ang mga residente tuwing nagkakaroon ng kalamidad tulad ng bagyo.