CAUAYAN CITY – Hinimok ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2 ang mga Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4P’s benificiaries na magpabakuna na kontra covid 19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DWSD Regional Director Cezario Joel Espejo sinabi niya na makabubuti sa kaligtasan ng mga 4p’s benificiaries kung sila ay magpapabakuna kontra COVID 19 dahil libre naman itong ibinibigay ng pamahalaan.
Aniya, walang dapat ipangam ba ang mga 4p’s benificiaries sa pagbabakuna dahil hindi pa napapagpasyahan ang panukalang “no bakuna, no ayuda” dahil ang 4P’s ay isang programang nagbibigay ng prebilehiyo para sa mga mahihirap.
Ayon naman kay Regional Director Espejo bagamat hindi kailangan ang bakuna upang makakuha ng ayuda ay iba parin ang mararamdamang kaligtasan kung sila ay may bakuna laban sa covid 19.
Giit ni Ginoong Espejo ang panghihikayat ng pamahalaan sa publikong magpabakuna maging sa mga mag-aaral ay mas makabubuti rin sa kanilang kaligtasan pangunahin na sa mga kabataan bilang bahagi narin sa paghahanda sa napipintong pagpapatupad ng Face to face classes.
Matatandaang dumalo si Regional Director Espejo kasama ang mga pinuno ng pamahalaang lokal ng Bayan ng San Mariano, at 95th Infantry Battallion at 502nd Infantry Brigade Philippine Army para pangunahan ang pagtatapos sa 4P’s ng nasa animnapung pamilya.
Ang mga pamilyang nagsipagtapos sa 4P’s ay nakatakdang ipasakamay sa lokal na pamahalaan kung saan patuloy silang makakatanggap ng mga benipisyo sa ilalim ng ibang programa ng pamahalaan.
Sa kabuuan ay nasa anim na raang 4P’s Benificiaries narin sa buong rehiyon ang nagsipagtapos na sa Pantawid Pamilya Pilipino Program ng pamahalaan.











