--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagsasagawa na ng assessment ang DSWD Region 2 sa mga naapektuhan at nasirang bahay sa rehiyon dahil sa pananalasa ng Bagyong Kiko.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Marciano Dameg, ang Head ng Disaster Risk Response Division ng DSWD Region 2, sinabi niya na pinapaassess nanila ang mga mapapabilang sa makakatanggap ng ayuda dahil may listahan nang ipinadala ang dalawang bayan sa Isabela.

Aniya sa lalawigan ng Isabela ay dalawang munisipalidad lamang ang apektado pangunahin na ang coastal towns ng Maconacon at Divilacan.

Nasa walong brgy. ng Maconacon ang apektado na may siyamnaput pitong pamilya na binubuo ng 265 na indibidwal.

--Ads--

Kasalukuyan naman ang validation sa listahan ng Divilacan dahil may kulang pa sa nakalista sa posibleng mabigyan ng assistance ng DSWD at sa susunod na mga araw ay maaaring madagdagan pa ito.

Ayon kay Ginoong Dameg, tatlong brgy. pa lamang ang naitalang apektado na may tatlumput pitong pamilya na binubuo ng 136 na indibidwal ang nasa listahan.

Kasalukuyan din ang validation at assessment ng mga kawani ng DSWD Region 2 sa lalawigan ng Cagayan habang sa Calayan Islands at Batanes ay kailangang magsagawa muna ng aerial view ang OCD Region 2 at DSWD.

Maliban sa aerial view ay magdadala rin sila ng family food packs para sa mga apektadong residente ngayong araw.

Humiling na rin ang DSWD Region 2 sa punong tanggapan ng karagdagang family food packs na dadalhin sa lalawigan ng Batanes dahil kakaunti lamang ang stock sa nasabing lalawigan.

4500 family food packs pa lamang ang nakatakdang dalhin sa Batanes ngunit isang libo lamang ang madadala ngayong araw dahil ito lang ang kaya ng chopper ng Philippine Air Force.

Iginiit naman ni Ginoong Dameg na madadagdagan pa ito kapag natiyak na nila ang bilang ng mga pamilyang apektado at hihiling muli sila ng dagdag sa central office.

Dadalhin na ito sa pamamagitan ng barko ng Philippine Navy na manggagaling mismo sa Metro Manila.

Nasa 23,017 family food packs ang available sa DSWD Region 2 at tanging ang LGU Baggao lamang ang humiling ng augmentation support at naipamahagi na rin ang mga ito kahapon.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Marciano Dameg.