
CAUAYAN CITY – Hindi pa maibibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 ang ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) para sa mga left out o waitlisted dahil wala pang naibabang pondo ang central office ng DSWD.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Lucia Allan ng DSWD region 2, sinabi niya na may mga Local Government Unit (LGU) na nakapaghain na ng listahan ng kanilang mga left out o waitlisted at kasalukuyan na nilang pinoproseso sa kanilang database.
Sa ngayon ay may kanya-kanyang database ang mga programa ng pamahalaan ang kanilang pinoproseso para matiyak na walang madododbleng mabibigyan ng ayuda.
Matapos ang deduplication process sa regional office ay muling magsasagawa ng hiwalay na proseso ang national office ng DSWD bago ilabas ang listahan at isumite sa Department of Finance (DOF) para mailabas ang pondong gagamitin sa pamamahagi ng ayuda.
Ayon kay Assistant Regional Director Alan, sa unang bugso ay mahigit 90,000 na pamilyang naitala bilang left out na inaasahang mababawasan pa.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na nila ang paggamit ng partner remittance centers para sa pamamahagi ng ayuda sa mga waitlisted habang ang mga nasa malalayong lugar na walang partner remittance center ay cash payout.










