CAUAYAN CITY – Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa publiko na huwag magpabiktima sa mga kumakalat na mensahe tungkol sa umano’y pamamahagi nila ng unemployment financial assistance.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na nakatakda silang maglabas ng advisory kaugnay sa naturang usapin upang mabigyan ng tamang kaalaman ang publiko sa mga lehitimong programa ng DSWD.
Aniya, may mangilan-ngilan na ring dumudulog sa kanila at nagtatanong tungkol sa umano’y ipinamamahaging tulong pinansyal ng kanilang ahensya gayunman agad silang nagbibigay ng paglilinaw at itinatanggi ang naturang mga mensahe.
Paalala niya sa publiko na huwag magpapaloko at tiyaking ang mga natatanggap na mensahe ay mula sa kanilang official facebook page at may opisyal na pahayag ang DSWD tungkol dito.
Aniya, bagamat hindi ito ang unang pagkakataon na may nagpakalat ng pekeng balita kaugnay sa mga programa ng DSWD ay agad naman nila itong napipigilan sa pamamagitan ng pagpapalabas ng opisyal na pahayag.
Tinig ni Regional Director Lucia Alan.