CAUAYAN CITY – Naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang Electronic Benefit Transfer (EBT) cards sa mga benepisaryo ng food stamp program sa San Mariano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2 na may 454 na benepisaryo ng food stamp program mula sa 23 barangay sa San Mariano, Isabela.
Aniya, ang naging basehan sa pagpili ng mga benepisaryo ay mula sa Listahanan 3 Database gayundin ang poverty threshold ng mga munisipalidad na natukoy para sa pilot area ng food stamp program.
Ayon kay Regional Director Alan, magagamit ng mga benepisaryo ang Electronic Benefit Transfer cards sa pagbili ng pagkain sa mga piling tindahan kabilang ang meat shop, grocery at nagtitinda ng prutas at gulay.
Ang basehan aniya dito ay ang go, grow and glow foods kung saan ang glow foods ay nagkakahalaga ng P600 habang ang grow foods ay P900 at ang go foods ay P1,500.
Sa kabuuan ay P3,000 at hindi sila pwedeng lumagpas dito.
May machine aniya ang mga piling tindahan at i-scan lang nila ang kanilang card para mabayaran ang kanilang kinuhang items.
Tinig ni Regional Director Lucia Alan.