
CAUAYAN CITY – Nakikipag-ugnayan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 sa mga Local Government Units (LGU’s) para malaman ang mga kailangang food packs na ipamimigay sa mga mamamayan na apektado ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad, information officer ng DSWD region 2, sinabi niya na sapat ang mga nakaimbak nilang family food packs sa kanilang mga tanggapan sa Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya bukod pa sa mga naka-preposition na mga food packs sa mga kampo ng militar sa mga bayan ng Gamu at Echague, Isabela.
Kapag kailangan na ang mga nasabing food packs ay handa ang DSWD region 2 na ito ay ipamahagi sa mga LGUs na maapektuhan ng Enhance Community Quarantine.
Kinakailangan lamang ang request ng LGUs at saka nila pag-uusapan kung paano ang pag-transport sa mga family food packs.
Kapag nagkulang ay maari silang mag-request ng karagdagang family food packs sa kanilang punong tanggapan.










