CAUAYAN CITY – Nakikipag-ugnayan na ang DSWD Region 2 sa mga Local Government Units at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang matukoy ang mga benepisaryo sa pagkakaloob ng Social Amelioration Program.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chester Trinidad, Information Officer ng DSWD Region 2, sinabi niya na ngayong buwan ng Abril hanggang Mayo ay ipagkakaloob ng kanilang tanggapan ang Social Amelioration Program sa mga beneficiaries na naapektuhan ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.
Puntiryang mabigyan ng DSWD ang mahigit 18 million poorest of the poor households kabilang na ang mga kasapi ng 4P’s sa buong Pilipinas.
Nakikipag-ugnayan ang DSWD sa mga partner na LGUs, DILG, DOLE at DA para matukoy ang mga mabibigyan ng tulong.
Ang pamilyang tatanggap ng Social Amelioration ay ang kabilang sa mga pamilyang vulnerable at disadvantage sector tulad ng mga senior citizen, PWD’s, buntis, mga nagpapa-breastfeed, solo parent, distressed OFW, Maralitang IP’s, informal na manggagawa, mga kasambahay, driver ng tricycle, pedicab, jeepney, UV at PUV.
Kabilang din sa pagkakalooban ng tulong ang micro entrepreneurs and producers, subminimum wage earners, manggagawa, magsasaka at mangingisda.
Naghain na anya ang DSWD Region 2 sa mga LGU’s ng Social Amelioration card para maikumpara ang mabibigyan ng nasabing tulong.











