CAUAYAN CITY – Namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng 6.4 magnitude na lindol sa Calayan, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2 na nagtungo siya mismo sa Calayan para bisitahin ang mga biktima ng lindol at pinasyalan din ang bahay ng dalawang pamilya na nagtamo ng pinsala.
Ang isa aniya sa dalawang bata na nadaganan ng bumigay ang pader ng kanilang bahay ay inilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City at bagamat libre ang gamutan sa naturang ospital ay nagbigay pa rin sila ng tulong na nagkakahalaga ng 10,000 pesos.
Una rito ay nagbigay na rin ng tulong ang Local Government Unit (LGU) Calayan na nagkakahalaga ng 11,000 pesos para may magamit ang pamilya habang nasa pagamutan.
Ayon kay Regional Director Alan, sinabi ni Mayor Joseph Llopis ng Calayan na hindi na ligtas ang bahay ng mga biktima kaya naghahanap na ang LGU ng mas ligtas na lugar na pagtatayuan ng dalawang pamilya.