
CAUAYAN CITY – Namahagi ng tulong ang DSWD Region 2 sa mga pamilyang naapektuhan ng engkwentro sa pagitan ng kasundaluhan at komunistang grupo sa Sto. Niño, Cagayan noong April 15, 2022.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Rose Ann Ballad, information and media specialist ng 5th Infantry Division, Philippine Army na noong Sabado ay nagbigay ng tulong ang DSWD katuwang ang 17th IB at PNP sa mga residente ng barangay Sta. Maria at Niug Norte na nananatili pa rin sa evacuation center.
Kabilang sa mga tulong na ito ang Family Food Packs, Hygiene at Sleeping Kits at P3,000 cash.
Aniya, sa barangay Sta. Maria ay 163 pamilya ang lumikas habang sa Niug Norte ay 88 pamilya.
Bukod sa pamamahagi ng tulong ay nagsasagawa na rin sila ng debriefing sa mga residente lalo na sa mga bata.










