Sisimulan na ng DSWD Region 2 payout o pamamahagi ng Senior citizen pension ngayong buwan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Reymar Olivas Information Officer ng Social Pension Program ng DSWD sinabi niya na sa ngayon ay nasa isang libong piso kada buwan ang social pension ng mga senior citizen.
Epektibo ito simula ngayong 2024 at sisimulan ang payout ngayong buwan ng Enero.
Ang karagdagang limang daang piso na Senior Citizen Pension ay malaking tulong na para sa mga seniors para masustain ang kanilang mga medical needs gayundin na magbigay ng income para sa mga indigent Seniors na walang natatanggap na sustento mula sa mga kaanak.
Batay sa datos ng DSWD nasa 244,131 na mga senior citizen ang rehistrado para sa programa at pinakamalaki dito ang naitala sa Isabela na may 113,408 na sinundan ng Cagayan, Nueva Vizcaya, Quirino, at Batanes.
Inaasahn ng DSWD na masimulan na ang payout na sisimulan sa bayan ng Abulog at Pamplona sa Cagayan na susundan ng Naguilian, Benito Soliven at Quezon para sa Isabela.
Nilinaw naman ng DSWD na walang nangyaring pagdadagdag ngayon ng mga benepisaryo gayundin na dadaan pa sa verification ang mga senior citizen na kasalukuyang nasa waiting list.