Hindi lamang agarang tulong pinansyal kundi pati psychosocial intervention ang ibibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa mga biktima ng malagim na banggaan ng pampasaherong jeep at dumptruck sa kahabaan ng kalsada sa Luna, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng Department of Social Welfare and Development Region 2, sa sandaling natanggap ang ulat ay agad na kumilos ang SWAD Satellite Office sa Cauayan City, at nakipag-ugnayan sa City Social Welfare and Development Office at iba pang lokal na pamahalaan. Personal na binisita ng mga social worker ang mga sugatan sa ospital, at nagbigay ng paunang tulong upang may magamit ang pamilya habang nasa pagamutan.
Nilinaw ng DSWD na ang isinagawang psychosocial intervention ay panimula o inisyal pa lamang, dahil may ilang biktima na hindi pa handang makausap bunsod ng trauma. Dagdag ni RD Alan, kinakailangan ang mas masinsing psychosocial intervention batay sa kahandaan ng mga pamilya upang tuluyang matulungan silang ma-process ang sinapit na pangyayari.
Binigyang-diin ng DSWD na ang psychosocial intervention ay hindi isang beses na tulong kundi isang proseso ng pagdamay at paggabay, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, upang matiyak na ang trauma ay hindi manatiling pasanin ng mga biktima habang buhay.
Nitong Enero 22, bumisita rin ang DSWD sa pamilya ng tatlong nasawi upang alamin ang kanilang pangangailangan, kabilang ang posibleng burial assistance. Sa mga nasa ospital, paunang ₱5,000 ang naibigay sa ilalim ng AICS, at susuriin pa ang karagdagang tulong matapos ma-discharge ang mga ito.
Binigyang-diin ng DSWD na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa iba’t-ibang LGU upang tuluyang matulungan ang mga biktima hindi lamang sa pisikal na paghilom, kundi lalo na sa pagharap at pagbangon mula sa trauma.











