Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat na relief goods para tugunan ang relief efforts sa mga lugar na apektado ng bagyong Opong.
Sinabi ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao na may 2.5 million ng family food packs (FFPs) ang naka-prepositioned na sa may isang libong warehouses na istratehikong lugar sa buong bansa.
Aniya, kabilang sa stockpile ay ang 157,295 FFPs sa Eastern Visayas, 200,000 sa Bicol Region at 160,000 sa CALABARZON region.
Habang 300,000 FFPs ang nakahanda para sa National Capital Region (NCR).
Maliban sa mga regular boxes ng FFPs, naka-prepositioned na rin ang mga ready-to-eat food (RTEF) sa mga DSWD hubs at storing facilities na pinapangasiwaan ng Philippine Ports Authority (PPA).
Nakahanda naman ito upang ipamahagi sa mga pasaherong apektado ng sea-travel suspensions, at para sa food provision ng mga evacuees sa mga local government units (LGUs) na hindi pa nakakapag-set up as community kitchens.
Nakaalerto na rin ang quick response teams (QRTs) ng mga field offices ng DSWD upang asistihan ang mga LGUs sa pag ayuda sa mga pamilyang apektado ng bagyo.











