Muling ipinatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program matapos maantala noong Disyembre 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DSWD Regional Director Lucia Alan, nagsimula na ang pamamahagi ng tulong sa Tuguegarao City, at inaanyayahan ang mga nangangailangan na makipag-ugnayan sa kani-kanilang SWAD Offices upang makakuha ng ayuda.
Bukod sa AICS, tuloy-tuloy rin ang pagpapatupad ng Sustainable Livelihood Program (SLP) at ang Emergency Cash Transfer (ECT) para sa mga biktima ng Super Typhoon Uwan. Layunin ng ECT na matulungan ang mga naapektuhan ng kalamidad na muling makabangon at makapagsimula.
Ayon sa DSWD, hinihintay pa ang kaukulang pondo para masimulan ang distribusyon sa mga natitirang munisipalidad sa lalawigan ng Nueva Vizcaya. Tiniyak naman ng ahensya na mas magiging mabilis at maayos ang proseso ng pamamahagi ng tulong ngayong taon.










