Patuloy ang ginagawang monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI) sa iba’t ibang munisipalidad sa bayan ng Isabela upang masiguro na nakasusunod ang mga negosyante sa mga umiiral na panuntunan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Elmer Agorto, Chief ng Consumer Protection Division ng DTI Isabela, sinabi niya na batay sa kanilang mga pag-iikot ay wala naman umanong nakitang mga problema sa mga pangunahing produkto na ibinebenta sa merkado.
Aniya, may ilang mga vendors ang nagtaas ng presyo pangunahin na sa mga wet market sa kabila ng umiiral na price freeze. Sa mga ganitong pagkakataon ay nag-i-issue ang ahensya ng Letter of Inquiry subalit kung katanggap-tanggap naman ang kanilang rason ay nagbibigay naman sila ng konsiderasyon.
Maliban sa mga noche bueana products ay kanila ring tinututukan ang mga bentahan ng paputok at pailaw sa lalawigan at batay sa kanilang obserbasyon, mas tinatangkilik na ng mga mamimili ang mga solar powered christmas lights.
Gayunman, tinitiyak pa rin ng ahensya na mayroong quality marks ang mga firecrackers na ibinibenta sa merkado at pinapaalalahanan na rin ang mga mamimili na maging maingat sa paggamit nito upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente.











