CAUAYAN CITY – Mayroong programa ang Kagawaran ng Kalakal at Industriya o DTI na magpapahiram ng pondo para sa mga namamahala ng Micro-Small and Medium Enterprises o MSME’s na kinakapos para ipambayad sa mga 13th Month pay ng kanilang mga empleyado
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Director Winston Singgun ng DTI Isabela na ang maaaring pahiramin ay ang mga namamahala ng MSME’s na hindi makakayanan na makapagbigay ng 13th month pay.
Maari na anyang tumanggap ng applikasyon ang Small Business Corporation sa mga kuwalipikadong MSME’s na mayroong empleyado na dalawampo pababa.
Bukod dito ay kinakailangan ding nakalista sila sa DOLE mula March 2020 hanggang ikalabing lima ng Oktobre 2021 bilang nagpapatupad ng Flexible Work Arrangement o FWA.
Ang maaaring utangin ng MSME’s ay labing dalawang libong piso sa bawat manggagawa tulad na lamang kapag sampo ang empleyado ay maaaring umutang ng 120 thousand pesos.
Ito ay mababayaran sa loob ng isang taon ngunit mayroong grace period na tatlong buwan.
Walang babayarang interest ngunit mayroong mababayaran na service fee na one time 4%.











