Nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga negosyante na laging sumunod sa panuntunan sa tamang paglalagay ng price tag sa mga ibinebentang Noche Buena products alinsunod sa Price Tag Law upang maiwasang ma-isyuhan ng Notice of Violation.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Angie Gumaru, head ng Consumer Welfare Division ng DTI Region 2, sinabi niya na patuloy ang ginagawang pag-iikot at inspeksyon ng kanilang ahensya sa iba’t ibang negosyo sa rehiyon upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa Price Tag Law.
Binigyang-diin ni Atty. Gumaru na kahit isa o dalawang produkto lamang ang walang nakalagay na price tag, maaari nang ma-isyuhan ang isang tindahan ng Notice of Violation at patawan ng kaukulang parusa.
Kapag nakatanggap ng notice, mayroong 48 oras ang isang negosyante upang magsumite ng paliwanag kung bakit hindi sila dapat sampahan ng formal charge.
Muling ipinaalala ng opisyal na ang price tag ay isang mandatory label sa ilalim ng Republic Act 7394 o ang Consumer Act of the Philippines.
Nilinaw din ni Atty. Gumaru na ang price tag ay nagsisilbing reference guide lamang at hindi nangangahulugang iyon ang eksaktong presyo ng produkto sa lahat ng tindahan. Aniya, may mga pagkakataong bahagyang mas mataas ang presyo dahil sa gastos sa transportasyon at layo ng pinanggagalingan ng produkto.
Ipinaliwanag pa niya na karaniwang mas mababa ang presyo sa mga pamilihang nasa trading centers o lungsod na maraming business establishments, kumpara sa mga lugar na mas malayo.
Dagdag pa ni Atty. Gumaru, may ilang negosyanteng naglalagay lamang ng kaunting margin sa presyo, samantalang ang iba naman ay nag-aalok ng discounted packages upang mas makatipid ang mga mamimili.











