CAUAYAN CITY – Nasa malubhang kalagayan ang isang 4 anyos na bata habang nasugatan ang dalawang kasama matapos banggain ng kasalubong na dumptruck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa provincial road sa Masoc, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ang nasa kritikal na kondisyon ay ang batang si Simon, kindergarten habang nasugatan ang driver ng motorsiklo na si Regina Elepante, 33 anyos at ang angkas na si May Ann Magosy, 31 anyos at pawang residente ng barangay Masoc.
Wala namang tinamong sugat ang driver ng dumptruck na si Judy Dela Cruz, 56 anyos, biyudo at residente ng Bansing, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bayombong Police Station, pababa ang dump truck mula sa mataas na bahagi ng kalsada ngunit hindi umano kumagat ang preno ng sasakyan kaya’t bumilis ang takbo nito at nawalan ng kontrol ang driver.
Napunta ang dumptruck ito sa ibang ng linya ng daan at nabangga ang kasalubong na motorsiklo bago sumalpok sa isang bakod.
Halos magiba ang bakod, nayupi ang harapan ng sasakyan, at tumilapon ang tatlong sakay ng motosiklo na nagbunga ng pagkasugat ng tatlong biktima.
Dinala sa ospital ng mga rescuer ang tatlong nasugatan at patuloy na inoobserbahan ang kanilang kalagayan.
Dinala naman sa Bayombong Police Station ang driver ng dumptruck at sasampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Serious Physical Injury and Damage to Property.