Sa botong 2-1, ibinasura ng Commission on Elections (COMELEC) Second Division ang rehistrasyon ng Duterte Youth Party-List, bunsod ng reklamong inihain noong 2019.
Ayon kay COMELEC Chair George Erwin Garcia, may paglabag sa material misrepresentation matapos matukoy na 34 taong gulang si Ronald Cardema—ang nominee ng grupo—nang siya’y tumakbo. Batay sa Party-List System Act, ang kinatawan ng youth sector ay dapat nasa edad 25 hanggang 30 lamang.
Nilinaw ng poll body na hindi pa pinal ang desisyon at hindi ito awtomatikong nagpapawalang-bisa sa nakaraang pagkapanalo ng grupo. Maari pa itong kuwestyunin sa pamamagitan ng motion for reconsideration sa loob ng limang araw.
Matatandaang nauna nang sinuspinde ang proklamasyon ng Duterte Youth dahil sa kaparehong isyu.






