--Ads--

CAUAYAN CITY- Pormal na ipinasakamay sa Public Order and Safety Division (POSD) ang apat na imported e-vehicles mula Japan na personal na binili ni Mayor Ceasar “Jaycee” Dy Jr. para sa mas epektibong pagmamanman ng daloy ng trapiko sa lungsod.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ibinahagi ng Alkalde na matagal na niyang napapansin ang paggamit ng naturang sasakyan sa mga bansang gaya ng Japan at Europe. Dahil sa pagiging eco-friendly at solar rechargeable ng mga e-vehicles, naging interesado siyang gamitin ito sa Cauayan.

Ang bawat e-vehicle ay may top speed na 100 km/hr at tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱200,000. Ang pondo ay mula sa premyong ₱2 milyon na napanalunan ng lungsod.

Ayon kay Mayor Dy, bagamat second-hand, tiyak pa rin ang kalidad ng mga sasakyan, at siya mismo ang tutulong sa maintenance, partikular sa mga gulong.

--Ads--

Gagamitin ang mga e-vehicles sa masisikip na eskinita upang makapagpatrol ang POSD at magbigay ng traffic violation tickets, partikular sa mga kaso ng double parking tuwing rush hour.

Samantala, nagpasalamat si POSD Chief Pilarito Mallillin sa karagdagang suporta.

Bagamat sapat na aniya ang bilang ng kanilang patrol vehicles, malaking tulong pa rin ito sa pag-abot ng mga lugar na hirap pasukin ng ordinaryong sasakyan.

Inaasahan na magiging mas sistematiko at episyente ang pagtugon ng POSD sa mga problema sa trapiko.