--Ads--

Patuloy na minomonitor ng state weather bureau ang bagyong Ramil na may international name na Fengshen na nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility kahapon.

Huling namataan ang sentro nito sa layong 795km kanluran ng Laoag City Ilocos Norte. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 95km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 115km/h. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 25km/h at patungo sa bahagi ng bansang Vietnam.

Sa kasalukuyan, Easterlies ang patuloy na makakaapekto sa silangang bahagi ng ating bansa na nagdudulot ng maulap na papawirin at kalat-kalat na pag-ulan.

Pangunahing apektado ang mga lugar mula sa Batanes pababa hanggang sa bahagi ng CARAGA Region.

--Ads--

Ang nalalabing bahagi naman ng ating bansa ay makakaranas ng mas maaliwalas na panahon at mas maliit ang posibilidad ng mga tuluy-tuloy na pag-ulan. Asahan ang mainit na lagay ng panahon lalo na sa tanghali ngunit hindi naman isinasantabi ang pagkakaroon ng mga isolated rainshowers at thunderstorms lalo na sa dakong hapon o gabi.

Sa ngayon, walang namomonitor ang state weather bureau na mga kaulapan o low pressure area sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility kaya maliit ang tiyansa ng pagkakaroon ng bagyo sa mga susunod na araw.