Mapapasakamay na ng House Committee on Justice ang mga ebidensiya laban kay Vice President Sara Duterte pagkatapos ng Holy Week, ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong. Ito ay kaugnay sa mga dokumentong ipinasubpoena ng komite, kabilang ang Statement of Assets, Liabilities, and Networth (SALN) ni Duterte.
Kasama rin sa pinasubpoena ng komite, na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro, ang Income Tax Return (ITR) ng VP at ng kaniyang asawa, si Atty. Manases Carpio, pati na ang Commission on Audit (COA) report sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) noong 2023.
Layunin umano ng pagsusuri ng mga dokumentong ito na alamin kung lehitimo ang paglaki ng yaman ni Duterte, na tinatayang umabot sa P50 milyon mula 2007 hanggang 2024, na isa sa pangunahing nilalaman ng dalawang impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Itutuloy ng komite ang impeachment proceedings sa Abril 14, 2026 upang iproseso ang mga dokumentong manggagaling sa Office of the Ombudsman, Bureau of Internal Revenue (BIR), Securities and Exchange Commission (SEC), COA, at National Bureau of Investigation (NBI). Kasama rin dito ang mga ebidensiya kaugnay ng video na umano’y naglalaman ng pagbabanta ni Duterte kay Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ito ay nagpapatuloy sa kabila ng nakabinbing petisyon na ihinain ni Atty. Israelito Torreon sa Korte Suprema para ipatigil ang impeachment process.











