CAUAYAN CITY– Isinailalim sa state of calamity ang Echague, Isabela dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkasakit ng Dengue.
Batay sa talaan ng Municipal Health Office (MHO), umabot na sa 319 ang kaso ng Dengue sa bayan ng Echague mula unang araw ng Enero hanggang July 31, 2019 at patuloy pang tumataas.
sa layuning maagapan at maiwasan ang pagtaas pa ng kaso ng Dengue, gagamitin ang calamity fund ng pamahalaang lokal ng Echague sa pagbili ng mga larvicides, dengue kits at iba pang kagamitan sa pagpuksa sa mga lamok na nagdudulot ng Dengue.
Ipapamigay ang mga ito sa bawat barangay at inaasahan na sa Sabado at Linggo ay magkakaroon ng malawakang paglilinis sng kapaligiran at pag-spray ng larvicide sa mga bakuran at paaralan.
Inabisuhan ang mga mamamayan na kung nakakaranas ng sintomas ng Dengue ay agad magpunta sa pinakamalapit na klinika o ospital upang maagapan.
Pinayuhan din ang mga mamamayan na panatilihing malinis ang kapaligiran at linisin ang mga lugar na maaaring pamugaran ng mga lamok.
Matatandaang unang isinailalim sa state of calamity dahil sa dengue ang Roxas, Isabela.