--Ads--

Tatlong magkasunod na bomb threat ang natanggap ng Echague National High School ngayong Martes, ika-16 ng Setyembre na nagdulot ng pangamba sa mga guro at mag-aaral.

Dakong 7:56 ng umaga nang matanggap ng isang guro ang unang mensahe na nagsasabing may nakatanim  na bomba sa loob ng paaralan.

Makalipas ang limang minuto ay parehong mensahe rin ang ipinadala sa page ng eskwelahan, na nasundan pa ng isa pang banta makalipas ang dalawampung minuto.

Dahil sa fake account ang gamit ng sender ay nasa message request lang ito ng mga pinagpadalhan at nang makita ay agad ipinaalam sa School Principal at sa awtoridad na agad namang rumesponde sa insidente.

--Ads--

Bunsod ng bomb threat, kinansela ang pasok sa eskwelahan sa buong maghapon at pansamantalang itinigil ang idinaraos na student festival.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay School Principal Marcelo Balutin, sinabi niya na bagaman maraming bomb threats ang naitatala ngayon ay hindi pa rin dapat magpa-kampante kaya’t minabuti nilang pauwiin ang mga estudyante para sa kanilang kaligtasan.

Dagdag pa ng punong-guro, naniniwala silang prank lamang ito na gawa ng ilang estudyanteng nais gambalain ang klase.

Tiniyak ni Balutin na magpapatuloy ang klase bukas matapos ang isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.