Ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendihin ng 60 araw ang importasyon ng bigas simula Setyembre ay isang hakbang na dapat kilalanin bilang makatao at makatarungan, lalo na para sa sektor ng agrikultura na matagal nang nilulunod ng murang imported na produkto.
Ayon sa Malacañang, layunin ng suspensyon na protektahan ang lokal na magsasaka na kasalukuyang umaani ng palay. Dahil maganda ang ani ngayon, natural lamang na bigyang pagkakataon ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang produkto sa tamang halaga at hindi sa presyong pinabagsak ng murang bigas mula sa ibang bansa.
Sa mga nakaraang taon, nasaksihan natin kung paano nasasakripisyo ang lokal na agrikultura sa ngalan ng importasyon. Habang may logic sa pag-angkat sa panahon ng kakulangan, hindi ito dapat gamitin bilang default na solusyon sa tuwing tumataas ang presyo.
Kung palaging uunahin ang importasyon, kailan pa magkakaroon ng patas na laban ang mga magsasakang Pilipino?
Tama lamang ang desisyon na pansamantalang ipatigil ang pag-angkat habang sinisigurong sapat ang kapasidad ng National Food Authority (NFA) na tanggapin ang lokal na ani. Sa ngayon, ayon sa Malacañang, napupuno na ang mga bodega ng NFA, patunay na may sapat na suplay kung maayos lamang ang pamamahala.
Bukod dito, pinipigilan din ng hakbang na ito ang posibleng panggigipit ng ilang negosyanteng mapagsamantala na maaaring gumamit ng imported na bigas para kontrolin ang presyo sa pamilihan.
Ngunit kasabay ng desisyong ito, kailangang tiyakin ng gobyerno na may malinaw na suporta sa mga magsasaka at mamimili. Hindi sapat ang suspensyon kung hindi naman nababantayan ang presyo sa merkado, o kung nabubulok lamang ang ani dahil walang maayos na distribusyon.
Sa huli, ang tunay na solusyon ay hindi basta import bans o pansamantalang suspensyon. Ito ay dapat magsilbing simula ng mas malalim na reporma sa sektor ng agrikultura: mas maayos na irigasyon, modernisasyon ng kagamitan, at direktang suporta sa mga magsasaka.
Sa ngayon, saludo tayo sa desisyon ng Pangulo na isang hakbang na sa wakas ay mas nagbibigay halaga sa sariling ani kaysa sa umaasang laging may darating mula sa importasyon.











