Isa na namang masakit na katotohanan ang muling ibinunyag ng Edcom II na habang dumarami ang mga Pilipinong may master’s at doctorate degrees, patuloy namang bumabagsak ang kalidad ng ating edukasyon. At sa likod nito, lumalakas ang presensiya ng diploma mills, mga institusyong nagbebenta ng kredensiyal kapalit ng tunay na kakayahan.
Isang malinaw na halimbawa ang bagong gradweyt na guro mula sa isang “prestihiyosong” program. Maganda ang diploma, ngunit pagharap sa klase, memorisasyon pa rin ang sandigan. Ito ang simbolo ng malalim na problema: isang sistemang mas pumapabor sa papel kaysa sa tunay na husay.
Ayon sa Edcom II, nagiging transaksiyonal ang graduate studies. Hindi ito ginagamit bilang hakbang para umangat ang propesyonal na kalidad, kundi bilang mabilisang paraan para sa salary increase. Kaya dumarami ang guro na napipilitang kumuha ng mababa ang kalidad na programa, hindi dahil gusto nila, kundi dahil hinihiling ng sistema.
Ang pinakamalaking talunan dito: ang estudyante. Habang tumataas ang bilang ng may advance degrees, patuloy namang humihina ang performance ng Pilipinas sa PISA at TIMSS. Ito ang malinaw na ebidensya na hindi sapat ang pagkakaroon ng diploma kung hindi sinasabayan ng tunay na pagsasanay at pag-unlad.
Lumilitaw din ang mas malalim na suliranin: magulong tungkulin ng mga institusyon, sobrang dami ng duplicated programs, at kulang na kulang na suporta sa pananaliksik. Sa ganitong sitwasyon, madaling sumingit ang diploma mills, mga institusyong kumikita mula sa kahinaan ng sistema.
Dahil dito, malinaw ang panawagan para sa reporma. Hindi sapat ang paunti-unting pagbabago. Kinakailangan ng mas estratehikong pag-ayos, kabilang ang mas malinaw na paghahati ng tungkulin ng mga paaralan: community colleges para sa skills training, state universities para sa teaching at regional needs, at research universities para sa malalim na pananaliksik at PhD programs.
Dapat ding ipatupad ng CHEd ang tiered regulation, iba-ibang pamantayan para sa iba-ibang misyon ng institusyon. Ang promosyon naman sa DepEd ay dapat nakabatay sa competence at classroom impact, hindi sa kung gaano kabilis nakuha ang isang diploma.
Mga kababayan, ang diploma mills ay hindi simpleng isyu. Isa itong banta sa kinabukasan ng ating mga kabataan at sa reputasyon ng edukasyon sa bansa. Kung nais nating makabalik sa landas ng may kalidad, ngayon ang panahon para ayusin ang sistema, hindi palawigin ang kahinaan nito.
Ang kinabukasan ng kabataan ay hindi dapat nakatali sa pekeng kredensiyal. Nakasalalay ito sa tapang ng pamahalaan at komunidad na pumili ng kalidad kaysa pormang walang laman.
VIA – BOMBO NEWS TEAM











