Masaya ang Malacañang sa ulat ng World Bank na papalapit na ang Pilipinas sa pagiging upper-middle-income country.
Totoo naman, kahanga-hangang marinig na 4,470 dolyar na ang gross national income o GNI per capita ng bansa noong 2024, 26 dolyar na lang ang kulang upang makatawid sa susunod na antas ng pandaigdigang pamantayan.
Subalit dapat nating tanungin, ramdam ba ito ng karaniwang Pilipino?
Sa kabila ng positibong data, hindi maitatanggi na marami pa rin ang nahihirapan sa araw-araw. Mataas ang presyo ng bilihin, limitado ang oportunidad sa disenteng trabaho, at laganap ang kawalan ng seguridad sa pagkain.
Ang ibig sabihin ng “average income” ay hindi awtomatikong nangangahulugan na lahat ay nakikinabang. Sa katunayan, nananatiling malaki ang gapo agwat sa pagitan ng mayayaman at ng mahihirap.
Mahalagang pahalagahan ang sinasabi ng gobyerno na may progreso, ngunit hindi dapat balewalain ang katotohanang para sa milyun-milyong Pilipino, ang hamon ay hindi kung aabot ba ang bansa sa upper-middle-income status, kundi kung paano nila maitataguyod ang kanilang pamilya sa harap ng mahal na pamasahe, bigas, kuryente, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Ang tunay na sukatan ng pag-unlad ay hindi lamang ang GNI per capita, kundi ang kung gaano kababa ang antas ng kahirapan, gaano karami ang may trabaho at makatarungang sahod, at kung ramdam ba ng bawat mamamayan ang ginhawa.
Kung nais talagang magbunyi ang gobyerno sa pag-angat ng bansa sa mas mataas na kategorya ng kita, dapat tiyakin na ang pag-unlad ay hindi lamang nakikita sa papeles ng World Bank kundi sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino.











