
CAUAYAN CITY – Naaresto ang isang Inter-Agency Drug Information Database (IDID) Listed Drug Personality at isang menor de edad na Child In Conflict with the Law (CICL) sa buy-bust operation na isinagawa ng mga awtoridad kagabi sa Baniket, Angadanan, Isabela.
Ang mga pinaghihinalaan ay sina John Philip Baroga, 33-anyos, may asawa, egg vendor at residente ng Calabayan Minanga, Angadanan, Isabela at isang 14-anyos na menor de edad.
Ang naturang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Region 2 Isabela Police Office, Angadanan Police Station, at Provincial Intelligence Unit, Isabela Police Provincial Office.
Nakumpiska ang 4 small heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may halagang P9,800, 1 zip lock plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P3,600, isang holster, 1 cal .38 revolver pistol na may 3 bala, 1 cellphone, 1 toyota innova at boodle money.
Dinala na sa Angadanan Police Station ang dalawang pinaghihinalaan at ang mga narekober na ebidensya para sa imbestigasyon at kaukulang disposisyon.
Nakatakda namang ipasakamay sa Municipal Social Welfare Development (MSWD) ang menor de edad para sa assessment habang si Baroga ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).










