Hindi gaanong maaapektuhan ang ekonomiya ng Pilipinas sa pagpapataw ng Estados Unidos ng 17% na taripa sa mga produktong mula sa Pilipinas, ayon sa Economic Think Tank na IBON foundation.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Executive Director Sonny Africa ng IBON Foundation, sinabi niya na bagaman US ang pinakamalaking export market ng bansa ay maliit lamang ang magiging epekto nito sa ekonomiya dahil karamihan sa mga exports ng bansa ay hindi produkto ng Pilipinas.
Kaunti lang aniya ang mga manufacturing companies sa bansa na nag-eexport sa US at kung sakali ay ang mga ito lamang ang maaapektuhan maging ang mga mangagawang pilipino na nagtatrabaho para rito.
Gayunpaman ay paniguradong sisipa ang inflation sa Pilipinas dahil sa inaasahang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Maliban kasi sa Pilipinas ay nagpataw din ng mataas na taripa si Trump sa lahat ng trading partners ng US na maaaring makaapekto sa global supply chain.
Dahil sa lahat ng produkto sa pilipinas ay imported ay malaki sa posibilidad na tataas ang presyo ng bilihin sa bansa gaya na lamang ng pagkain, produktong petrolyo at iba pa.
Sa loob aniya ng ilang buwan ay maaari nang maramdaman ang epekto nito sa bansa.
Dahil dito ay kinakailangan naiyang palakasin ng bansa ang lokal na ekonomiya nito para hindi na lamang basta umasa ang pamahalaan sa pag-import at sa dayuhang pamumuhunan.