--Ads--

Isa sa pinakamabilis na lumago sa buong Asya ngayong 2024 ang ekonomiya ng Pilipinas sa kabila pa ng pandaigdigang mga hamon gaya ng geopolitical tensions.

Ito ay matapos na maitala sa 5.2% ang economic growth ng Pilipinas sa ikatlong kwarter ng taon dahilan para pumalo sa 5.8% ang average economic growth sa unang 3 quarters.

Naungusan ng ekonomiya ng PH ang ibang mga bansa sa Asya kabilang ang Malaysia na mayroong 5.2% economic growth sa nasabing panahon, ang Indonesia nasa 5%, maging ang China na may 4.8% lamang, at Singapore na may 3.8%.

Pangunahing nag-ambag sa mabilis na paglago ng ekonomiya ng bansa ay ang malakas na capital formation at mabilis na government spending.

--Ads--

Ayon kay National Economic and Development Authority (Neda) Secretary Arsenio Balisacan, nagpakita ng pambihirang katatagan ang ekonomiya ng ating bansa ngayong taon kung saan ang gross domestic product (GDP) growth ay lumago sa average na 5.8% para sa unang 3 quarters ng 2024. Ito ay sa kabila pa ng naranasan ng ating bansa na mga weather-related disturbances o disruptions sa buong taon gayundin ang matagal na dry season dahil sa El Niño phenomenon at magkakasunod na malalakas na bagyo sa gitna ng La Niña.