CAUAYAN CITY – Namahagi ng tulong ang Department of Agriculture o DA Region 2 sa mga magsasakang naapektuhan ng El Niño sa Lambak ng Cagayan matapos makapagtala ng mahigit dalawang bilyong pinsala sa sektor ng agrikultura.
Mula sa nabanggit na halaga ng pinsala sa Agrikultura ay 63% rito ang naitala sa lalawigan ng Isabela na sinundan ng Quirino na 19%, Nueva Vizcaya na 15% habang 2% lamang sa lalawigan ng Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Roberto Busania, Regional Technical Director ng DA Region 2, sinabi niya na umabot na sa mahigit 152 million ang halaga ng tulong na kanilang ipinamahagi sa mga apektadong magsasaka.
Kabilang sa kanilang mga ipinamahagi ay ang binhi ng mais at palay, fertilizers at fuel subsidy sa mga magsasaka sa kung saan binigyang priyoridad nila ang mga magsasaka na “totally damaged” o halos wala ng napakinabangan sa kanilang mga pananim.
Aniya, nasa 45,745 hectares ang lawak ng iniwang pinsala ng El Nino sa mga taniman na sinasaka ng nasa 43,942 na magsasaka sa Rehiyon.
Naka-apekto naman ito sa production ng mais at palay sa Rehiyon kung saan 6.9% ang average loss sa mais at 2.3% lamang sa palay.
Bagama’t malaki ang naitalang pinsala sa agrikultura ay nananatili pa ring mataas ang overall production ng mais at palay dahil mas marami ang mga nagtanim sa nakalipas na cropping season.
Samantala, pinaghahandaan na ng kagawaran ang posibleng maging epekto ng La Niña sa sektor ng agrikultura kagaya ng pagkakaroon ng sapat na buffer stocks.