CAUAYAN CITY- Sinang-ayunan ng Election Watchdog na Kontra Daya ang hakbang ng Comelec na higpitan ang panuntunan sa substitution ng mga kandidato.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Professor Danilo Arao, ang convenor ng Kontra Daya sinabi niya na sa pamamagitan ng pagpapaikli sa panahon ng substitution ay maiiwasan na ang mga pagkakataong nagagamit ito ng mga kandidato upang lituhin ang mga botante.
Sa kabila nito ay importante aniya na siyasatin ang mga posibleng maganap pa rin na substitution at withdrawal dahil nagdudulot ito ng duda sa mga botante.
Hinalimbawa nito ang mga posibleng maging suhulan upang paatrasin o palitan sa pagtakbo ang mga kandidato.
Dapat aniya na makatwiran ang mga nagaganap na substitution kagaya na lamang ng mga namamatay at nadi-disqualify na mga kandidato.
Una nang sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na tanging sa panahon nalang ng paghahain ng Certificate of Candidacy papayagan ang mga substitution at ang tanging papayagan nalang pagkatapos ng COC filing ay substitution sa mga disqualified at nasawing kandidato.
Samantala, muli namang binigyang diin ng Kontra Daya na kinakailangang kilatisin ng maigi ng Comelec ang mga maghahain ng kandidatura na mga partylist group upang maisulong ang tunay na layunin nilang magkaroon ng kinatawan ang mga marginalized sector sa bansa.