CAUAYAN CITY – Umaasa ang election watchdog na Kontra Daya na mas mapasimple pa ng Comelec ang mga impormasyon sa mga isinasagawang demonstration ng mga Automated Counting Machines o ACMs at Voter Education sa ibat ibang lugar sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Prof. Danilo Arao, Convenor ng Kontra Daya sinabi niya na kailangang maging pamilyar sa botanteng Pilipino ang mga ACMs kung paano ang wastong paggamit ng makabagong makina sa pagboto, at ang karapatan at responsibilidad ng bawat isa sa pagboto.
Ayon kay Prof. Arao, ikinakabahala nila ang maaring pagbagal ng proseso dahil sa paghaba ng pila na epekto ng hindi alam ng mga botante ang kanilang gagawin.
Aniya bagamat mas portable ang bagong equipment ay may teknikalidad naman sa mga dapat gawin sa makina.
Unang dapat tiyakin ng Comelec ay ang accuracy o kung tama ang magiging transmission ng mga ACMs sa mga balota at ang bilis ng transmission ng mga ACMs lalo na kung isasaalang-alang ang signal ng mga telecommunication companies sa mga malalayong lugar.
Umaasa ang Kontra Daya na mapagpokusan din ng Comelec ang mga lugar na natukoy bilang mga election hotspots o nagkakaroon ng kaguluhan tuwing election dahil maaring dito rin magkaroon ng aberya ang mga ACMs.
Hindi pa rin aniya nawawala ang pagkabahala nila sa legitimacy ng mga makina bagamat nakita na ang resulta ng mga vote counting machines o VCMs sa nakaraang halalan.
Ang pinagkaiba ng mga bagong makina ngayon ay mas malaki ang screen at may sarili na itong baterya kaya gagana pa rin kahit walang kuryente.
Ang ipinagtataka lamang nila ay ang napakalaking bayad sa kontrata ng Comelec at ng Miru System sa bawat makina na umaabot sa P149,000.