
CAUAYAN CITY – Patuloy na nadadagdagan ang mga bayan at lungsod sa ikalawang rehiyon na nagnanais magkaroon ng Electronic Business Permit and Licensing System (EBPLS).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Project Development Officer 1 Evence Michael Baguilat ng Department of Information and Communications (DICT) Isabela, sinabi niya na sa susunod na linggo ay mailulunsad na rin ang EBPLS sa Jones, Isabela habang sa mga susunod na buwan ay sa Cabarroguis, Quirino.
Maliban dito ay may mga nakahanay na ringtraining ang DICT Isabela sa isang bayan ng Cagayan at tatlong bayan sa Nueva Vizcaya kaugnay sa paggamit ng EBPLS.
Matatandaan na una nang nalagyan ng EBPLS ang 9 na bayan at lunsod sa region 2 na kinabibilangan ng Lunsod ng Ilagan, mga bayan ng Gamu, San Guillermo, Ramon at Quezon sa Isabela; bayan ng Baggao, Cagayan, at mga bayan ng Maddela, Diffun at Saguday, Quirino.
Inamin ng DICT na isa sa pangunahing suliranin ng isang bayan kung bakit hindi ito nalalagyan ng EBPLS ay dahil sa mabagal na internet connectivity.
Ayon kay Project Development Officer Baguilat, puntirya nilang malagyan ng electronic business permit and licensing system ang lahat ng bayan at lunsod sa rehiyon dos hanggang sa taong 2021.
Layunin ng proyekto na mapadali ang pagkuha ng business permit ng mga nagnenegosyo sa pamamagitan ng hindi na pagtungo sa iba’t ibang tanggapan para lamang maproseso ang kanilang aplikasyon kundi sa pamamagitan na ng online application.










