--Ads--

Pirmado na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act No. 12316 na nagbibigay sa Pangulo ng emergency power upang suspendihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ayon sa pamahalaan, ang hakbang ay tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado na dulot ng lumalalang tensyon sa Middle East.

Sa ilalim ng batas, maaaring ipatupad ng Pangulo ang suspensyon o pagbawas ng excise tax sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee at sa pakikipag-ugnayan sa Department of Energy.

Ito ay kung ang average na presyo ng Dubai crude oil ay aabot o lalampas sa 80 US dollars kada bariles sa loob ng isang buwan.

--Ads--

Nakasaad din na maaaring ipataw ang tax relief sa mga piling produktong petrolyo, depende sa pangangailangan at sitwasyon.

Ang bawat suspensyon o pagbawas ay may bisa ng hanggang tatlong buwan at maaari itong i-extend hanggang isang taon.

Samantala, awtomatikong ibabalik sa normal ang excise tax kapag bumaba na sa mas mababa sa 80 dolyar kada bariles ang presyo ng langis, kahit walang bagong kautusan.

Ang naturang emergency power ay maaari lamang gamitin ng Pangulo hanggang Disyembre 31, 2028.