Sa layuning labanan ang patuloy na paglaganap ng cyberbullying at online hate speech, naghain si Senador JV Ejercito ng panukalang batas na magpapatupad ng mabigat na parusa sa mga nasa likod ng ganitong uri ng pang-aabuso, lalo na sa social media.
Ang Senate Bill No. 1474, na tinawag na “Emman Atienza Bill,” ay naglalayong parusahan ang mga kaso ng cyberlibel, online harassment, cyberstalking, at non-consensual sharing of private information.
Sa ilalim ng panukala, ang mga lalabag ay maaaring makulong at pagmultahin ng ₱50,000 hanggang ₱200,000, depende sa bigat at dalas ng paglabag.
Sa Mababang Kapulungan naman, naghain din si Bacolod Rep. Alfredo “Albee” Benitez ng katulad na panukalang batas, ang House Bill No. 5250, na magpapataw ng arresto menor hanggang prisión mayor at/o multang ₱20,000 hanggang ₱1 milyon sa mga lalabag.
Ayon kay Ejercito, inspirasyon ng panukalang ito ang sinapit ng 19-anyos na si Emman Atienza, anak ng TV personality na si Kim “Kuya Kim” Atienza, na nakaranas umano ng matinding online bullying bago ang kanyang biglaang pagpanaw noong Oktubre.
Dagdag pa ng senador, “Habang nagsisilbing plataporma ang social media para sa katotohanan, ito rin ay naging sandata para sa paninira, pagpapakalat ng maling impormasyon, at pag-udyok ng galit. Sa katotohanan, walang ‘delete’ o ‘edit’ button sa mga nasasaktan natin online.”
Hindi saklaw ng panukala ang patas na komentaryo, satira, at kritisismo, lalo na laban sa mga opisyal ng pamahalaan, maliban na lamang kung ito ay naglalaman ng false o mapanirang pahayag.
Ipinag-uutos din sa ilalim ng isinusulong na panukala sa mga digital platforms na tanggalin o i-block ang mapanirang nilalaman sa loob ng 24 oras matapos matanggap ang verified complaint o utos ng korte. Kabilang din sa mga probisyon ang pagsuspinde o pagbabawal sa mga lumalabag, pagpapanatili ng digital evidence, at paglikha ng mas madaling sistema ng pagrereklamo.
Nakasaad din sa panukala ang pagtatatag ng Victim Support and Protection Program, na magbibigay ng psychosocial support, counseling, legal aid, at protection services sa tulong ng DSWD, DOH, at DOJ. Ang mga gastos para rito ay sisingilin sa mga napatunayang lumabag.
Una rito, sa isang panayam, sinabi ni Kuya Kim na nais niyang maniwalang hindi nauwi sa wala ang sinapit ng kanyang anak.
“I’d like to think Emman did not die in vain. Lahat ay may dahilan, at alam kong may plano ang Panginoon,” aniya.
Para naman kay Ejercito, ang pagpanaw ni Emman ay paalala na kailangang may pananagutan sa mga salita na binibitawan sa internet. Gayundin, na dapat umanong ibalik ang kabaitan at malasakit sa social media. Kailangan aniya na mapigilan ang isa pang trahedya na nagmumula sa online hate.





