CAUAYAN CITY – Nailigtas ang isang endangered specie ng Pawikan sa lalawigan ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Coast Guard Ensign Jessa Pauline Villegas, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard Northeastern Luzon na narekober ang green turtle ng isang mangingisda na kinilalang si Wilson Corpus sa Fuga Island.
Aniya, napasama sa mga nahuli ng mangingisda ang naturang pawikan at dahil nakita niyang nanghihina ito ay napagdesisyunan niyang ipasakamay sa Coast Guard Substation Claveria.
Malaki ang pawikan na ito at batay sa Department of Environment and Natural Resources o DENR ay umabot sa 11.6 kilograms ang bigat nito habang 48 centimeters naman ang haba.
Unang pagkakataon naman ito para sa naturang mangingisda na makahuli ng ganitong klase ng pawikan.
Ayon kay Coast Guard Ensign Villegas, ang naturang pawikan ay kabilang sa limang endangered specie ng Pawikan sa Pilipinas.