--Ads--

Nadiskubre ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO)-Alcala ang isang bihira at endemic na halaman na tinatawag na Jade Vine (Strongylodon macrobotrys) sa bulubunduking bahagi ng Sitio Hotspring, Asinga Via sa bayan ng Baggao, Cagayan.


Ayon sa CENRO-Alcala, nagsagawa ng field monitoring ang kanilang hanay upang i-dokumento at suriin ang kalagayan ng naturang halaman na kilala sa kakaibang turkesa o turquoise color nitong mga bulaklak.


Ang Jade Vine ay isang halaman na gumagapang, ito ay karaniwang tumutubo sa mga lugar na may sapat na lilim at umaasa sa malalaking puno bilang suporta.


Ayon sa ahensiya, ang ganitong uri ng halaman ay mayroong malaking ambag sa kalikasan dahil tumutulong ito sa ugnayan ng mga pollinator gaya ng paniki. Isa rin itong indicator species, na nagpapakita na ang mga kagubatan sa bansa ay nananatiling malusog at hindi gaanong naaabala.

--Ads--


Kaugnay nito, muli namang nanawagan ang DENR sa publiko na makiisa sa isinusulong ng ahensiya sa pagpapanatili ng likas yaman ng probinsiya at maigting na pagprotekta ng kalikasan.


Source: DENR Cagayan Valley