CAUAYAN CITY- Hindi pa rin makapaniwala si Engr. George Allan Policarpio, isang inhinyero mula sa Mallig, Isabela, na napabilang siya sa mga topnotcher sa katatapos lamang na Master Plumber Licensure Examination.
Nasungkit ni Engr. Policarpio, na nagtapos sa University of Saint Louis–Tuguegarao, ang ikasampung pwesto sa naturang board exam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inamin niya na labis ang naging hirap ng pagsusulit, kaya’t hindi niya inasahan na makakamit niya ang ganitong tagumpay.
Kwento ni Policarpio, nais sana niyang kumuha ng pagsusulit noong Pebrero 2025, ngunit hindi siya nakakompleto ng mga kinakailangang dokumento bilang isang working student sa ibang bansa. Dahil dito, kinailangan niyang muling mag-enroll sa review center.
Dumating pa raw siya sa punto na nakakuha lamang ng average score sa refresher pre-board exam dahil sa dami ng kailangang pag-aralan. Bagamat target niyang maging topnotcher noong una, unti-unti itong naisantabi habang lumalalim ang review process. Sa halip, nagtiwala na lamang siya at humugot ng lakas sa panalangin.
Sa unang araw ng pagsusulit, pinili niyang huwag nang isipin ang pagiging topnotcher. Ngunit pagdating sa huling araw, naging maayos ang takbo ng exam para sa kaniya dito niya naramdaman na may pag-asa siyang mapasama sa rank 10.
Aniya, sabay silang kumuha ng pagsusulit ng kaniyang kapatid, at sabay rin silang pumasa.
Ayon pa kay Engr. Policarpio, pinili niyang maging plumber upang hamunin ang sarili sa pagkatuto ng bagong kaalaman. Bagamat nais niyang ituloy ang propesyong ito balang araw, may iba pa siyang prayoridad sa kasalukuyan.





