
CAUAYAN CITY – Natagpuang patay sa inuupahang bahay sa Magsaysay, Naguilian Isabela ang isang inhinyero na taga-Lunsod ng Baguio.
Nagpakamatay umano si Engineer Jesherwin Mataui Gutierrez, 23 anyos, nagtatrabaho sa isang construction company sa Lunsod ng Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pcapt. Mary Jane Sibbaluca, deputy chief of police ng Naguilian Police station, sinabi niya na nakatangap sila ng tawag mula sa isang pribadong ospital na may pasyente sila na hinihinalang nagpakamatay.
Batay sa pakikipag-ugnayan ng mga otoridad sa ilan sa mga kasama n Engr Gutierrez, napag-alaman nila na dakong alas kwatro ng madaling araw ay nakita nila na nakaluhod malapit sa banyo ng kanilang inuupahang bahay subalit hindi nila inakala na siya ay patay na.
Laking gulat na lamang umano nila nang makita na nakatali sa kanyang leeg ang nylon rope ng duyan na kanyang ginagamit.
Isinugod siya sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.
Tinitingnang anggulo ng pulisya ang personal na problema mi Gutierrez dahil batay sa pagsisiyasat ng pulisya tatlong araw pa lamang na nadestino siya sa Lunsod ng Ilagan.
Batay umano sa mga palitan nila ng conversation ng kanyang nililigawan ay nasabi niya na labis siyang nalulungkot sa pagkakalayo sa kanyang pamilya.
Hindi umano inaasahan ng kanyang pamilya na hahantong sa pagpapakamatay ang pangungulila nito sa kanila dahil lamang sa kanyang trabaho.










